Chapter 3

Posted: March 9, 2011 in Nang Umibig Ako
Tags: ,

Nang Umibig Ako
by Samwel

Chapter 3

Araw-araw na may nadaratnang rosas sa lamesa niya si Persofina. Tuwing pag-pasok niya sa umaga ay may isang rosas na nakapatong sa kanyang mesa. Nacucurious na siya kung sino ang nagbibigay ng mga iyon sa kanya. Wala naman kasing ni kahit maliit man lang na note kung kanino galing ang mga rosas. Basta nadaratnan lang niya ang mga iyon. Tinutudyo nga siya ni Maria na may secret admirer siya.

Kapag ganuon na ang usapan, napapangiti nalang siya. Eto ang unang pagkakataong may nagbibigay sa kanya ng rosas. Di man niya aminin sa sarili, kahit hindi niya kilala kung kanino galing ang mga rosas, natutuwa siya dito. “Ganito pala ang mabigyan ng rosas,” ang naisip niya.

Noon high school siya, marami nang nagtangkang manligaw sa kanya. Nagpaparinig palang ang mga ito sa kanya pero sinasabihan na niya ang mga itong bawal siyang makipagrelasyon dahil ayaw muna ng kanyang mga magulang. Marami ang makukulit na patuloy parin sa pagligaw sa kanya pero di na niya iyon binigyan ng importansiya. Basta kasama lang niya si Brandon noon, ayus na sa kanya at di niya kailangan ng ibang lalaki. Naisip nya tuloy si Brandon.

Sa araw araw na may nadaratnan siyang rosas, ay araw-araw din niyang nakikita si Rikardino dahil inaaraw-araw din nito ang pumunta sa opisina ni John para kumuha ng basura. At sa tuwing dumaraan ito sa kanyang harapan, lagi itong kumikindat. Kung di man kumindat, binabati siya nito ng good morning sweetheart. Nag-wowoshhhh ang kanyang puso kapag sanasabihan sya ng ganon. Di nya maintindihan ang sarili nya.

Sa pagdaan ng mga araw ay mas nakikilala niya si Rikardino. Ayaw man niyang aminin pero kinikilig siya sa tuwing nasisilayan niya ang janitor. “Mabait din pala ang mokong,” minsa’y naisip niya.

“Mary, nakita mo ba si Rikardino?” tanong niya sa kasamahan niya isang araw.

“Hindi e,” wika ng dalaga, “bakit mo siya hinahanap?”

“Hindi ko kasi siya nakita ngayon,” sagot ni Persofina dito. “Natutuwa ako dahil walang nang-iistorbo sakin,” wika niya na mababanaag ang lungkot sa kanyang tono at mukha.

“Sigurado ka ba dyan Persofina?” nagdududang tanong ni Mary. “E mukhang malungkot ka nga e. Baka naman nagugustuhan mo na si Rikardino?” tudyo nito.

“Aba hindi ah,” ang mabilis na sabi ni Persofina na namumula. “Hindi ako magkakagusto dun. Kahit gwapo yun e ang yabang yabang naman. Akalain mo bang tawagin niya akong sweetheart e di ko noman boyfriend. At saka kung magboboyfriend ako, hindi sa kanyang masyadong feeling. At saka mas hamak na gwapo naman yung kaibigan ko sa kanya.”

“Ehemmm,” nang biglang may tumikhim sa likod Persofina. “Gwapo pala ako ah,” sabi nito.

Nabigla si Persofina sa biglang pagdating ni Rikardino. “Anong gwapo, ang kapal mo naman,” ang wika niya.

“Kasasabi mo nga lang na gwapo ako tas sasabihin mong makapal ako?”

“Wala akong sinabing gwapo ka. Umalis ka na nga diya at madami pa akong tatrabahuwin.”

Natatawa si Mary sa dalawa pero hinayaan nalang niya ang mga ito.

“Teka-teka, wag mo naman muna akong paalisin,” pakiusap ni Rikardino. “Gusto sana kitang ayain mag lunch mamya.”

Biglang natigilan si Persofina. Tumingin siya sa lalaki at inaarok kung makatotohanan ba ang sinasabi nito o ginoogood time lang siya.

“Sige na, ngayon lang naman kita aayain e, saka, para na rin makabawi ako sa mga naging kasalanan ko,” wika pa ni Rikardino.

“Teka, pag-iisipan ko,” sabi ni Persofina kahit na sa kaibuturan ng kanyang puso ay gusto na niyang sabihing sige. Kunyaring nag-isip pa si Persofina bago sinabing, “Sige sa isang kondisyon. Kapag naabutan mo ako dito sa lunch break, sasamahan kita. Pero pag di mo ako naabutan dito, sensya na, good bye lunch sa iyo.”

“Yes!” ang nasabi ni Rikardino at isinuntok pa ang kanyang kamay sa hangin tanda ng kasiyahang nadarama. “I’ll be here before lunch.” At tumalikod na ito para umalis.

Kumunot ang noo ni Persofina dahil pa-ingles ingles pa si Rikardino saka sinigawan, “Rik, di mo ba kukunin ang basura sa opisina ni sir John?” wika niya.

“Hindi na, bukas nalang,” wika ni Rikardo at tuluyan na itong naglakad palayo sa kanya.

Mabagal na lumipas ang oras para kay Persofina. Kanina pa siya tingin ng tignin sa kanyang orasan. Makatrabaho lang siya ng konti, orasan agad ang kanyang tinitingnan. “Ang bagal naman ng oras,” ang nasambit niya.

“Uy, eksited siya sa kanilang lunch date ni Rikardino,” tudyo ni Maria na nakatingin kay Persofina habang nakangiti.

“Hindi ah,” pagtanggi ni Persofina. “Nagugutom lang kasi ako e, kaya gusto ko na maglunch.”

Tumawa lang si Mary sa hinabing kwento ni Persofina. “Wag ka na nga magdeny Persy, halata kayang may pagtingin ka kay Rikardino. Pero di naman kita masisisi e, gwapo yung tao saka mabait.”

“Anong mabait ka dyan, maangas nga siya e.”

“Pero wag ka, gwapo talaga siya,” tudyo pa lalo ni Maria kay Persofina.

“Oo na, gwapo na nga kung gwapo, pero gutom na talaga ako,” bigla niyang pag-iiba ng usapan.

“Ilang minuto nalang naman e, magtyaga ka nalang,” wika ni Maria.

Ilang minuto pa ang lumipas at dumating si Rikardino bago pa man ang labasan.

“Ang aga mo naman ata ah,” wika niya kay Rikardo.

“Naniniguro lang, baka pagpunta ko dito wala ka na,” sagot naman ni Rikardo.

Natawa nalang si Persofina. Habang mas nakakasalamuha niya si Rikardo, mas lalong lumalalim ang kanyang pagtingin dito.

Naghintay pa sila ng ilang minuto bago sila lumabas. Inilahad pa ni Rikardino ang kanyang kamay na parang sa isang abay sa isang kasalan na sinasabing, ikawit mo ang kamay mo sa kamay ko. Napangiti si Persofina sa ginawa ni Rikardo at hinampas niya ito sa balikat. “Tama na nga yang kalokohan mo,” sabay tawa.

Papasok na si Persofina sa canteen nang hilahin siya sa kamay ni Rikardino.

“Bakit?” takang tanong ng dalaga.

“Wag dyan,” sagot ng binata.

“Kala ko ba mananaghalian tayo?”

“Uu nga, pero hindi dyan. Di tayo diyan kakain, sa labas tayo kakain. Halika, sumama ka sakin,” at hinila na niya ang dalaga palabas ng building.

Tumigil ang fx na sinakayan nila sa tapat ng isang kilalang kainan. Hinawakan ni Rikardino ang kamay ni Persofina at giniya papasok Natuwa naman ang puso ni Persofina sa asta ni Rikardo. Iniisip tuloy niya na isa siyang prinsesa at si Rikardo naman ay isang prinsipe.

Pagpasok nila sa loob, napansin agad ni Persofina ang fomal na ambiance sa loob ng kainan. Kinabig niya ang kamay ni Rikardino at binulong na maghanap nalang sila ng ibang makakainan dahil mukhang mahal ang mga pagkain doon.

“Ayos lang,” sambit ni Rikardino. “Ikaw naman ang pakakainin ko,” dagdag pa nito. “Maubos man ang suweldo ko,ayos lang basta para sa iyo. At saka ngayon lang naman kita naayang lumabas, kaya tara na.”

Naghihinayang man si Persofina sa perang gagastahin ni Rikardo ay sumunod parin siya kay Rikardino. Unang pagkakataon niyang makakain sa isang ma-class na kainan.

“Good afternoon, Mr Wayne,” bati ng isang waitress pagpasok nila sa loob, at iginiya sila papunta sa isang bakanteng lamesa.

Tumingin pa si Persofina sa kanyang likod nang marinig ang pagbati ng waitress. Akala kasi niya andoon ang kanyang boss na si John. Wayne din kasi ang apelyedo nito.

Pagkaupo nila ay ibinigay ng waitress ang menu kay Persofina. Mas nabigla siya nang makita kung magkano ang halaga ng mga pagkain na nakalagay dito. Hindi niya akalaing ganun kamahal ang mga pagkain doon. Kung siya, maghihinayang siya sa gagastahing pera. Iipunin nalang niya ang pera para may pandagdag siya sa mga pambili ng mga kakailanganin sa bahay. Tumingin siya kay Rikardino pero ngumiti lang ang huli na parang nagsasabing, sige, wag kang mag-alala, basta mamili ka lang ng pagkain mo.

Pinasadahan ng tingin ni Persofina ang menu pero halos wala siyang kilalang pagkain sa mga nakasulat doon. Ibinigay niya kay Rikardino ang menu at sinabing ito nalang ang mamili ng pagkain nila.

Umalis ang waiter dala ang kanilang mga orders. Kapagdakay tinanong ni Persofina si Rikardino kung di ba ito nanghihinayang sa perang gagastahin sa isang kainan samantalang ayus lang naman sa kanya kahit na sa bangketa pa sila kumain. Sanay nanaman na siya doon.

Sumagot naman si Rikardino at sinabing wag siyang mag-alala dahil pinag-ipunan naman daw nito ang pagkakataong iyon.

Habang hinihintay nila ang kanilang pagkain, natanong ni Persofina kung anong relasyon ng binata sa kanyang boss dahil magkapareho sila ng apelyedo. Ipinaliwanag ni Rikardino na magkaiba ng spelling ang apelyedo niya at si John. Wayne ang kay John, samantalang siya ay Weign.

Tumango-tango si Persofina tanda na nauunawaan niya ang sinasabi ni Rikardino. Natanong din niya kung bakit siya kilala sa kainang iyon. Nahirapang magpaliwanag si Rikardino sa dalaga pero nakumbinsi din niya ito sa huli.

Dumating ang kanilang pagkain. At habang kumakain sila ilang beses ding nahuling nakatingin ni Persofina si Rikardino sa kanya at ganun dn ang huli sa nauna. Tumatawa lang sila pag napansin nilang pareho silang nakatingin sa isat-isa.

Pagkatapos ng tanghalian, inihatid na ulit ni Rikardino si Persofina sa kanyang trabaho at nagpaalam na ang una para magtrabaho na din. Nagpasalamat si Persofina kay Rikardino.

Chapter 4: Click here

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s