Chapter 4

Posted: March 9, 2011 in Ang Alamat ng Unang Lupa
Tags: , ,

Ang Alamat ng Unanglupa
by Samwel

Ikalawang Pagsalakay at ang Pagkahati-hati ng Lupain ng Unanglupa
Ikaapat na Kabanata

“Dahil, kasi, yamang, palibhasa, sapagkat, ang di pagtupad sa napagkasunduan ang siyang dahilan kung bakit ang pagtitiwala ay namamatay.” – MayAkda

Isang malakas at isang masayang kainan ang sumunod na nangyari sa lupain ng Unanglupa. Pagkatapos nilang ihukay ang mga napatay nilang mga kaaway at sunugin ang kanilang mga kasambahay, kaibigan, anak, ama, ina, pamangkin, tito, tita, lolo, lola na mga namatay sa labanang naganap, silay naghanda ng isang salu-salu dahil, marahil, palibhasa, bagamat ang kamatayan ng kanilang mahal sa buhay ay isang nakakalungkot na pangyayari, marami parin silang dahilan kung bakit kailangan nilang magselebrasyon. Tulad halimbawa ng dahil sila ay buhay pa o di kayay dahil may lupa pa silang pagkukunan ng ikabubuhay, at higit sa lahat dahil natalo nila ang hukbong nais magsadlak sa kanila sa luha.

At isang ibong maya[1] ang kanilang pinalipad sa kalangitan tanda ng kalayaang kanilang tinatamo, at sumigaw sila ng, “Party! Party![2]

Isang nakapanlulumong sigaw naman ang narinig ng mga alipores ni Lou mula sa kanya. Ang kanilang tangkang pagsakop ay naging dahilan ng pagkamatay ng marami niyang alagad, kasama na doon si Ang-ang. Silay naglamay ng isang linggo sa kabiguang kanilang natamo.

At dahil sa palpak na pagsalakay nina Lou, napag-isip isip niya na gumawa pa ng marami pang mga aswang, at mga tiyanak at mga kapre. Tinawag niya sina Luna[3] at Lord Baldemor[4] at gumawa pa nga sila ng mas marami pa nilang mga alagad.

Dahil sa tatlo lang sina Lou, Luna at Lord Baldemor na gumawa ng mga aswang at tiyanak at kapre, ay nanghina sila. Parang sinipsip ang kanilang lakas (inuulit ko, lakas ang sinipsip hah, wag maging madumi ang isip) sa kanilang engkantasyon na ginawa. Bagamat napagod sila, sila nama’y masaya dahil dumami pa ang kanilang mga alagad.

At napag-isip-isip ni Lord Baldemor, na maglagay sila ng engkantasyon[5] sa kanilang sarili para di sila matulad kay Ang-ang na namatay sa tama ng sibat.

Kung kayat sinimulan nila ang orasyon, at kanilang sinambit:

“Sa kapangyarihang binigay samin,
Dinggin sidhi ng aming damdamin,
Isang proteksyon hiling namin
Kayat ito’y ibigay samin.”

“Mula sa Hilaga, sa kanluran at sa Kalan
Timog man o sa Silangan
Kapangyarihan, kapangyarihan
Siya nawa magpakaylan man.”

“Kamay at paa ng tao, ng duwende at ng tikbalan’
Kahit na ano mang kanilang ginawang kagamitan
Ay di eepekto sa aming katawan
Simula ngayon at sa magpawalang hanggan.”

At pagkatapos ng orasyon ay masayang masaya si Lou, si Luna at si Lord Baldemor, sapagkat, talos nilang wala ng makakatalo sa kanila dahil walang kagamitang gawa ng mga duwende, tao o tikbalang, o nang kahit ano mang klase ng suntok at sipa ang eepektibo sa kanila.

Kung kayat, sa oras ding iyon, ay naghanda na sila sa paglusob. Ang aswang na nagbigay ng “tip” sa mga naninirahan sa Unanglupa noon ay hindi na nakapagpadala ng mensahe dahil mabilisan ang kanilang paghahanda. Isa pang dahilan ay patay na ang kanyang ibon na nagdadala ng mensahe, kinain na niya iyon.

Isang linggong nagdiwang ang mga duwende, tao at mga kabayo (este tikbalang). At nagsiuwi na nga sila sa kanilang sari-sariling tahanan. Ang lupain ng Unanglupa ay nahahati sa tatlo, ang lupain ng mga duwende, tao at mga tikbalang. Bagamat nagtutulong-tulong sila sa pagtatanim, mayroon din silang sariling lupain na tinatamnan. Ang mga tao, palibhasa ay mahilig sa alak, paguwi nila sa kanilang tahanan ay nagpatawag si Haring Tangkad ng pagtitipon. At sa pagtitipon, silay nag-inuman ulit. At palibhasa din ay mahilig sila sa pulutan, isang tikbalang ang kanilang sa akala ay kabayo, ang kanilang hinanting, niluto at pinulutan. At tulad ng kadalasang nangyayari pag lasing, nakatulog na sila sa kanilang inuupuan. Bagamat bago pa man sila nakatulog ay tayo sila ng tayo at ekskyus ng ekskyus dahil daw naiihi sila.

Nasa kalagitnaan na ng gabi at kasarapan ng tulog ang lahat nang biglang nagising ang mga duwende. Bagamat magaling silang uminom ng alak (dahil nga nagparty-party sila) di naman umeepekto ang alak sa kanilang sistema (o system). Kayat nang marinig nila ang kumakalembang na mga kaldero at mga kutsilyo ay nagsigising sila para lamang magitla na sinusugod na pala sila.

Marami man ang namatay sa kanila, ay di parin nawalan ng lakas ng loob ang mga duwende. Pilit parin nilang itinaboy ang mga kampon ng kasamaan. Pero dahil sila-sila lamang, nahirapan sila. Ang haring si Liit, dahil may maliit na alam nyo na, ay di naman maliit na tao. Bagkus, mayroon siyang malaking katawan. Pilit niyang pinalakas ang kanyang hukbong sandatahan o hukbong kaduwendehan.

Mula sa kung saan ay lumabas si Lord Baldemor. Lahat ng mga duwende na kanyang nakakaharap o nakakasagupa ay kanyang pinapatay. Mabilis na tinakbo ni haring Liit si Lord Baldemor sa pag-aasam na tigpasin ang kanyang ulo, pero bago pa man dumaiti ang kanyang palakol ay nawasak na ito.

Tama nga, ang orasyong kanilang nilagay sa kanilang sarili ay sadyang mabisa!

Umatras si haring Liit at nakahagilap ng sibat. Kanyang itinuon ang lahat ng kanyang lakas at saka sinibat si Lord Baldemor pero tulad ng nauna niyang pagsubok, bago pa man dumaiti sa balat ni Lord Baldemor ang sibat ay nawasak na ito at nagkapira-piraso na parang botelyang nawasak.

Tumawa lang si Lord B.[6] at sinabing:

“Di mo ba napapansin,
Walang pwedeng tumalo sakin.” At sinabayan niya ito ng halakhak na matunog, yung parang halakhak ng mangkukulam sa napapanood nyo. Ganun yung tunog.

Tumakbong pasugod si haring Liit at sinuntok si Lord B. Pero bago pa man sumayad ang kanyang mga palad ay napaso na ang kanyang mga kamay. Nakaramdam siya ng sobrang sakit at hapdi sa kanyan mga kamay. Dahil masakit na ang kanyang kamay, sinubukang sinipa ni Haring Liit si Lord B., pero tulad ng nangyari sa kanyang kamay, napaso din ang kanyang paa. Lapnos ang kanyang kamay at paa. Ang orasyong ginawa nina Lou, Luna at Lord B. ay sadyang malakas, dahil kanilang idinagdag na walang kamay o paa ng mga duwedende o nang tao o nang mga tikbalang ang makakasakit sa kanila.

Tawa ng tawa (dahil ibig nang mag-asawa) ni Lord B. Kanyang sinabi:

“Yan lang ba ang magagawa mo,
Susuray-suray pa ang kilos mo,
Ako’y sadyang natatawa sa iyo!
Para ka lang ipis sa mata ko!”

Ngunit sadyang matapang si Liit. At kahit na sa panahong wala nang pag-asa ay pilit parin itong lumalaban. Kung kayat, sa kawalan ng magawa o kawalan ng pag-asa at dahil lapnos na din ang kanyang mga kamay ay paa ay sumugod siya at itinodong iniuntog ang kanyang ulo sa mukha ni Lord B.

Nagitla si Lord B. dahil sa sakit na kanyang naramdaman. Nagsimulang dumugo ang kanyang ilong, at wasak na din ang kanyang bibig. Dahil sa galit ay iniunday nya ang kanyang panaksak. At sapul sa dibdib si haring Liit. Bumulwak ang dugo. Pero sadyang malakas at physically fit si Haring Liit, at maging ng bumubulwak ang dugo mula sa kanyang dibdib ay lumapit ulit siya kay Lord B. at iniuntog ang kanyang ulo ng ilan pang beses.

Pagkaraan ng ilang saglit, parehong lumaylay ang katawan nila Lord B. at Haring Liit at bumagsak sa lupa. Bagamat walang kamay o paa o kahit ano mang kagamitan ang pwedeng makasakit kila Lord B., hindi naisali sa kanilang orasyon na pag mukha ang ginamit na panlaban ay di sila masasaktan.

Nang makita ng mga kampon ni Lou na patay na ang kanilang pinuno, humina ang kanilang kalooban. Bagsak ang kanilang puso. Sa kabilang banda naman, sa kampo ni Haring Liit, bagamat wala na ang kanilang hari, nang makitang bagsak na si Lord B. ay nag-ibayo ulit ang kanilang tapang at lakas. Kung kayat napaalis nila nag mga tiyanak, aswang at mga kapre sa sumalakay sa kanila. Maging si Lou at si Luna ay natakot din nang makitang bagsak si Lord B. Sapagkat takot din silang mamatay.

Marami ang namatay sa mga duwende kayat napuno ng iyak ang buong kapuluuan ng mga duwende.

Nang sumunod na araw, nalaman nalang ng mga tao na sumalakay pala ang mga kampon ni Lou. Pero wala na silang magagawa dahil lasing nga sila kinagabihan.

Sabi ng mga duwende sa mga tao:

“Asan ang sinasabi ninyong kapatiran? Nasaan kayo nang higit naming kayong kailangan? Kinain na din ba ng malalaki ninyong tiyan ang ating kasunduan?”

Ang sagot naman ng mga tao sa sinabi ng mga duwende:

“Paumanhin sa inyong lahat, pero di namin alam na sinubukan pala tayong sakupin kagabi.”

Pero nawala na ang pagtitiwala ng mga duwende sa mga tao. Kung kayat pinutol na nila ang ugnayan nila sa mga tao.

Dumating naman ang mga tikbalang matapos nilang marinig ang nangyari, pero tulad din sa mga tao, tinapos na din ng mga duwende ang ugnayan nila sa mga tikbalang. Ayaw na nilang magkaroon ng koneksyon sa mga tikbalang. Oo nga pala, ang dahilan nito ay sinasabi ng mga tikbalang na may nakita silang duwendeng kumuha ng tikbalang at ginawang pulutan, pero idiniin ng mga duwende na hindi sila carnevorus dahil vegevorous[7] lang sila. Nang malaman ito ng mga tikbalang, nalaman nilang tao pala ang pumulutan sa isa nilang kasamahan, kung kayat, lumayo na din sila at pinutol ang ugnayan nila sa tao at sa duwende.

At ganon na nga, nahati-hati ang Unanglupa.


[1] Ang maya ang pambansang ibon ng Pilipinas bago pinalitan ng agila. Ha! Ha! Ha!

[2] Ang tamang pagbigkas sa “party, party” ay “par-diy, par-diy” na may mabilis na pagbigkas sa “d”. Maling pagbigkas ang “par-ti, par-ti!”

[3] Lagi mong isipin na tuwing binabasa mo ang pangalang ito, hindi nagtatapos doon ang pangalan, bagkus, ito ay isang dinaglit lamang na salita.

[4] Lord Valdemort ang tamang bigkas, kayat dapat “V” din ang pagbigkas mo at hindi “B”. Sa karagdagan, may “t” sa hulihan ng pagbigkas at hindi nagtatapos sa “r” tulad ng speling nito.

[5] Incantation o spell sa Ingles.

[6] Pinaikling Lord Baldemor dahil masyadong mahaba ang kanyang pangalan at mahirap i-type.

[7] Yan ang tamang tawag sa mga kumakain ng gulay at hindi vegetarian. Oo, promise, mali ang itinuro ng guro mo noon. Maniwala ka, may pagbabago!

Chapter 5: Click here

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s