Patak ng Ulan

Posted: March 9, 2011 in The Many Facets of Love (Pag-ibig nanaman)
Tags: ,

Kumukulog. Dumadagundong. Malakas ang hampas ng hangin kasabay ng pagpatak ng ulan. Mag-uumaga na. Alas tres na ng umaga pero ang aking mga mata ay dilat, pilit nilalabanan ang antok. Ang aking isipan ay punong-puno ng mga tanong sa buhay. Ang buhay na puno ng pighati. Ang buhay na puno ng masasalimuot na kapalaran. Para ba’ng ang mundo ay hindi umiinog para sa lahat kundi ito’y umiikot lamang para sa iilan.

Walang tilaok ng manok ng umagang iyon. Pati ang mga manok na kadalasay nagbibigay senyas ng isang magandang umaga ay tila paos ang mga tinig at ayaw kumibo. Ang lakas ng tagaktak ng patak ng ulan sa bubong ang s’yang tanging naririnig. Tunog na nakakarindi at nagbabadya ng isang unos. Ang mga kulog na nakakatakot at ang kidlat na ang dala ay saglit na liwanag ang nagpapakita ng maitim na kalangitan at ang kapaligirang kalusa-lusalok – mga basurang nagkalat sa kalye… umaapaw, dala-dala ng tubig patungo sa kung saan.

Narinig ko ang ilang katok sa pinto na gumising sa akin sa malalim kong pagmumuni-muni. Ang kalungkutang bumalot sa aking puso ay tila baga biglang naglaho at napalitan ng mumunting saya.

Ako’y alumpihit na tumayo patungo sa nakapinid na piraso ng kahoy na nagdurugtong sa apat ng sulok ng bahay at ang kapaligirang nababalot ng kadiliman. Ang aking mga yapak ay puno ng pag-aasam at pag-asa bagamat may kaunting takot. Takot na nagsusumigaw sa kagustuhang pilit makalaya sa kaibuturan ng aking puso. Ngunit ito’y binalot ng tuwa at pag-asang nagsasabing, “S’ya, s’ya ang kumakatok.” Ilang mga salita ang namutawi sa aking bibig. Salitang pasasalamat sa Dakilang Maykapal sa pagkakataong ito. Ang aking nagsusumidhing damdamin na s’yay muling masilayan ang nagbigay ng lakas sa’kin para harapin ang lahat… oo, ang lahat.

Ang aking matagal na paghihintay ay may maganda ring bunga. Ang mga gabing nakamulat ang aking mga mata at nakatitig sa dingding at ilaw na nagbibigay tanglaw sa aking silid, dahil sa walang puknat na kaiisip ay magtatapos na ngayong gabi. Puno ng pag-asa ang aking puso na parang sa isang umiibig na sa bawat pagsilay ng ngiti sa labi ng kanyang iniirog ay nagbibigay tuwa sa kabila ng mga pagkakataong nadulas sa mga pangyayari at karupukan sa buhay.

Ang mundong sa tingin koy tumigil sa pag-inog ng ilang araw o lingo ay biglang nagkakulay, mga kulay na puno ng pag-asa. Ang aking magandang kapalaran na ipinagkait sa’kin ng tadhana ay mababago. Matitiklop ang pangit na nakaraan at babaguhin ng isang bagong pahina ng buhay na may liwanag ng araw na nagbibigay pag-asa sa pusong kumupas. Ako’y patungo sa isang magandang bukas, oo, ang aking magandang bukas ay magsisimula na.

Mabilis ang aking mga kamay sa pagpihit ng seradura ng pintuan. Ang malamig na dampi ng hangin na nagdulot ng ginaw sa buo kong katawan ang siyang sumalubong sa’kin at ang maitim na paligid na walang katiting na liwanag.

Umikot ang aking mga mata. Hinanap ang taong nagbigay sakin ng konting tuwa, ang taong kumatok. Wala, wala akong makita.

Ang aking mga paa ay parang may isip na humakbang palabas ng bahay. Ang aking mata ay nagdudumilat sa madilim na paligid at pilit inaaninag ang taong nagdulot sakin ng tuwa.

Ang lamig ay nagsimulang manuot sa kaibuturan ng aking mga buto. Ang patak ng ulan ay nagsimulang basahin ang aking ulo, pababawa sa aking paanan. Para akong nagtatampisaw sa ulan at sa putik. Bumukas ang aking bibig at tinawag ang kanyang pangalan. Isa, dalawa tatlo. Apat o limang beses ko pa syang tinawag ngunit ang tanging sumagot sa akin ay ang tunog ng ulan.

Ang sangdakmal na liwanag sa aking puso ay biglang naglaho. Akoy napaluhod at ang mga butil ng luha sa aking mga mata na nagsisimulang mamuo at bumulusok paibaba. Inianod ng ulan ang aking mga luha at ang aking mga pangarap. Hanggang kelan ang aking paghihintay sa taong aking pinapangarap?

Umukit ang matalim na kidlat sa kalangitan kasabay ng pagdaloy ng nakaraan sa aking isipan. Ang nakaraang inukit sa aking mga palad ng tadhana. Ang pagkakamaling nagdulot ng sawi sa aking buhay.

Muli isinigaw ko ang kanyang pangalan ngunit kinain lang ito ng tunog ng kidlat at kulog sa karimlang na tila baga humahalakhak. Nagdurusa ang aking puso…nagluluksa ang langit… walang puknat ang pagbuhos ang aking mga luha kasabay ng pagpatak ng ulan

Comments
  1. can you delete this blog of yours pls ?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s