Chapter 1

Posted: March 9, 2011 in Nang Umibig Ako
Tags: , ,

Nang Umibig Ako
by Samwel

Chapter 1

“Aray!” ang katagang namutawi sa mga labi ni Persofina nang may isang malaking katawan ang bumundol sa kanya. Napaupo siya at tumilapon ang kanyang mga hawak hawak na mga papel.

Ilang araw na din siyang naghahanap ng trabaho. Napagdesisyonan niyang tumigil muna sa pag-aaral dahil narin sa hirap ng buhay. Ayaw niyang mas lalong mahirapan ang kanyang mga magulang sa pagkayod at pagtustos sa kanya kung kayat napag-isipan niyang tumulong nalang sa kanila sa paghahanap buhay.

Ang kanyang ama ay si Pedro at ang kanya namang ina ay si Sofia. Ang kanyang pangalang Persofina ay mula sa pinaghalong pangalan ng mga ito.

Kasadlakan sa kahirapan ang namulatan niyang klase ng buhay. Ang kanyang ama ay isang construction worker at ang kanya namang ina ay isang labandera. Ang mga kinikita ng mga ito ay sapat lamang para sa kanilang pang-araw-araw ng pangangailangan kung kayat makabubuting tumulong nalang siya sa pagkayod kesa mas lalong pahirapan ang kanyang mga magulang sa pagpapaaral sa kanya.

Ayaw man ng kanyang mga magulang na tumigil siya pero siya na rin ang naging mapilit. Sabi nalang niya sa mga ito na ipagpapatuloy niya ang kanyang pag-aaral kapag umayos-ayos na ang kanilang buhay.

“Miss, Ii’m very sorry, hindi ko sinasadya,” ang paumanhin ng lalaki na nakabundol kay Persofina. Iniabot nito ang kanyang kamay para tulungan siyang tumayo.

Napatigil si Persofina sa tangkang pagsusungit sa lalaking nakabundol sa kanya. Nakaawang pa ang kanyang mga labi nang ilang saglit sa pagkapatda. Isang lalaking may maamong mukha ang nakatungo sa kanya. Itim ang buhok at nasa taas na 5’9″. Nakasuot ito ng puting t-shirt at faded jeans. Halatang ma-muscle ang lalaki dahil hapit ang t-shirt nito. Ang mga mata ay nakatitig sa kanya at mababanaag sa mukha ang paghingi ng dispensa sa nangyari. Nakaabang ang kanan nintong kamay para tulungan siyang tumayo sa pagkakaupo.

Ilang segundo din siyang napatitig sa lalaki. Biglang nawala sa kanyang isip na siya’y nakaupo sa lansangan at ang kanyang mga papel ay nagkalat sa kanyang tagiliran.

“Miss, okay ka lang?” ang may pag-aalalang tanong ng lalaki nang mapansing nakatitig lang sa kanya ang babae. Ngunit tila hindi rumehistro sa utak ng babae ang kanyang tanong dahil hindi manlang pumipikit ang mga mata nito, at nakatunganga. Tinapik niya ang pisngi nito.

Nakatingin kay Persofina ang lalaki nang maramdaman niya ang tapik nito sa kanyang pisngi. Napansin niyang nakatitig ang lalaki sa kanya kung kayat nag-init ang kanyang mga pisngi ng mapansin nakatitig din siya rito. Ngumisi ang lalaki at mas lalong naragdagan ang init na kanyang nararamdaman sa kanyang mukha. Bagamat isang mahirap ang kanyang pamilya, hindi maikakatwa ang kakinisan ng kanyang balat. Di naman siya maitim at di din naman siya masyadong maputi pero kung ikukumpara siya sa ibang mga kababaihan sa kanilang barangay, angat siya sa kaputihan at kagandahan. Marami nga ang nagsasabi na parang hindi siya anak ni Mang Pedro at Aling Sofia dahil kakaiba ang kanyang ganda.

“Okay ka lang miss?” tanong ulit ng lalaki. “Bat ka namumula?” tudyo pa lalo nito.

Para matakpan ang pagkapahiya ni Persofina sa pagtitig niya sa lalaki tinulak niya ang kamay nito na gustong umalalay sa kanya. Sa pagtulak niya sa kamay nito bigla siyang may naramdamang kuryenteng dumaloy mula sa kamay ng lalaki papunta sa kanyang mga kamay. Agad niyang binawi ang kamay na parang napapaso at pabulyaw na sinabing, “Umalis ka nga dyan. Ang laki laki ng mga mata mo di mo nakikita ang dinaraanan mo!”

“E, miss pasensya na, di talaga kita napansin,” hinging paumanhin ulit ng lalaki.

“Bakit, masyado na ba akong maliit sa iyo at di mo ako nakikita?” ang mataray paring saad ni Persofina. At tuluyan na siyang tumayo at pinulot ang kanyang mga nagkalat na papel.

Tumulong ang lalaki sa pagpulot ng mga papel ni Persofina na nagkalat.

“Wag mo na akong tulungan, salamat nalang,” sabi ni Persofina sa lalaki at sabay hablot ng mga mga papel sa kamay ng lalaki na pinulot nito.

“Naghahanap ka ba ng trabaho miss?” biglang tanong ng lalaki na hindi ininda ang pagsusungit ni Persofina nang mapansing panay resume ang mga dalang papel ni Persofina. “Pwede kitang tulungan, kase may kakilala ako na naghahanap ng sekretari.”

Napatigil si Persofina dahil sa narinig. Kailangang kailangan niya ngayon ng trabaho at heto may isang taong nag-aalok sa kanya ng tulong para makahanap ng trabaho. Hindi naman ito mukhang goons para matakot siya. Naisip niyang wala namang masama kung susubukan niya.

“Tutal seksi ka naman at maganda ang iyong pangangatawan,” dugtong ng lalaki sa kanyang mga sinabi.

Biglang lumipad ang kamay ni Persofina sa mukha ng lalaki. “Bastos!” sigaw niya dito. Gusto sana niyang humingi ng paumanhin sa lalaki nang masampal niya ito dahil nabigla lang siya dahil di niya nagustuhan ang huling mga katagang sinabi nito pero naunahan na siya ng takot dahil biglang naningkit ang mata ng lalaki at nakatiim bagang nito. Bigla siyang nakaramdam ng takot dahil baka bigla siyang suntukin nito. Nang mapansin niyang marami ng mga tao ang nakatingin sa kanila ay bigla siyang tumalikod at naglakad papalayo kasabay ng mataimtim niyang panalangin na sanay di siya sundan ng lalaki. Malakas parin ang pagkabog ng kanyang dibdib dahil sa takot.

Sa pagtalikod ng babae, hindi na niya sinundan ito. Maganda na masungit! isip niya. Pinulot nito ang isang papel na natatapakan ng kanyang paa. “Persofina D. Makulangan,” bigkas niya sa nabasang nakasulat sa papel. Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi.
——–

“Mukhang masarap ang ulam natin!”

Mula sa pagpiprito ng tuyo, napalingon si Persofina sa kanyang amang si Pedro. Medyo patpatin ito at paubos na rin ang buhok nito sa tuktok ng kanyang ulo. Kagigising lang nito at sa itsura e gusto pang matulog.

“Ang aga mo atang nagising ngayon itay?” ang saad niya. “A las sais palang ah.”

“Oo, anak. Kase may ipapatayung gusali sa lungsod. Kasama ko si Ka Isko dun ang aming trabaho ngayon,” ang sagot nito. “Nasan ang iyong inay?” pagdakay tanong nito.

“Nasa may poso po, naglalaba. Marami nanaman kasing labahin ngayon galing kay Aling Ester,” ang kanyang paliwanag. Si Aling Ester ang kanilang kapitbahay na mataba at masungit. Kung di ngalang ito ang may pinakamaraming pinapalabhan sa kanila, matagal na nila itong di pinapansin dahil sa malakas na bunganga nito.

“Ah, ganun ba. E matagal pa ba yang niluluto mo?” tanong nito ulit.

“Malapit na po.Saglit nalang po ito,” sagot naman ni Persofina.

“Sige at maliligo na muna ako para handa na pagkatapos ko.”

“Sige po.” At tumalikod na si Mang Pedro at nagtungo sa poso para maligo.
——————

Mataas na ang sikat ng araw pero patuloy parin sa paglalaba si Aling Sofia at Persofina. Tinutulungan niya ang kanyang ina dahil narin sa ayaw niyang masyadong nahihirapan ito. Mas gugustuhin nga niyang siya nalang ang maglaba pero di naman pumapayag ang kanyang ina. Sa kalagitnaan ng kanilang paglalaba, tumunog ang kanyang selpon. Binasa niya ito at napasigaw siya sa tuwa.

“Ala batang ire, bakit ka nanaman nagsisisigaw diyan,” tanong ng kanyang ina. “Si Brandon ba iyang nagtext sa iyo at tuwang tuwa ka diyan hah?”

Bukas na libro ang buhay niya sa kanyang ina. Mula nang bata pa siya ito na lagi ang kanyang takbuhan kapag may problema siya. Sa kanya rin niya sinasabi kung sino ang mga lalaking nagugustuhan niya. At nabanggit niya rito ang nararamdaman niya kay Brandon, ang kanyang kababata.

Si Brandon ang masasabing pinakamalapit niyang kaibigan. Simula pagkabata hanggang sa kasalukuyan, sila parin ay matalik na magkaibigan.

Mabait na tao si Brandon. Noong mga bata pa sila, ilang beses na nga itong nakipagsuntukan sa kanilang mga kalaro at mga kaklase dahil lamang sa pagtatanggol sa kanya. Kung minsan pa nga ay umuuwi itong may mga pasa sa mukha.

Maging noong nasa mataas na antas ng paaralan na sila, ito parin ang kanyang tagapagligtas. Lagi itong nasa gauidance councelor dahil sa pakikipag-away sa mga nambabastos sa kanya. Marami na din ang nagsabing kung di nga lang nila alam na magkaibigan sila, baka inisip na nila na magkarelasyon sila dahil parang kasintahan niya si Brandon kung umasta ito. At tuwing sinasabihan siya ng ganoon, natutuwa naman siya.

Lingid sa kaalaman ni Brandon, may pagtingin siya rito. Hindi na niya matandaan kung paano nagsimula ang lahat. Nagising nalang siya isang araw na may nararamdamang kakaiba para kay Brandon. Sa kanyang ina nya lamang ito nabanggit. Silang dalawa lang ang nakakaalam. Takot siyang may makaalam pang iba patungkol dito o kahit si Brandon mismo; takot siyang bigla nalang siyang iwasan nito dahil sa kakaiba niyang nararamdaman para dito.

May mga naging kasintahan na din si Brandon. Di maiiwasan dahil may itsura ito. May hawig kay Tom Cruise, yun nga lang di ito maputi tulad nito. Kissable na lips at matang laging nang-aakit. Gwapo sa madaling sabi. May mga nakikipagkaibigan nga sa kanyang mga kababaihan dahil gusto lamang mapalapit kay Brandon at hindi din maiiwasang maraming napapaismid sa kanya kung magkasama sila ni Brandon.

Ang pinakahuling naging kasintahan ni Brandon ay si Mina. Si Mina ang pinakamatagal na kayang nakarelasyon dahil umabot ata ito ng limang buwan. Akala nga niya noon silang dalawa na ang magkakatuluyan pero di rin pala dahil naghiwalay din ang mga ito. Siyempre, dahil mayroon siyang pagtingin kay Brandon, ikinatuwa niya naman ang nangyari. May kurot kasi siyang nadarama sa kanyang puso sa tuwing nakikita niya si Brandon noon kasama ang girl friend nito.

“Hindi po inay,” sagot niya sa tanong ng ina. “Galing po ito sa isang kumpanyang inaplayan ko ng trabaho at may interview daw po ako mamayang hapon,” paliwanag niya sa ina.

“Ala e kung ganon, maghanda ka na para di ka malate sa interview mo. Matraffic pa naman ngayon.”

“Opo Inay.”
——————–

A las dose y media palang ng tanghali ay nasa kompanya na si Persofina. A la una ang kanyang interview at kailangan niyang ihanda ang kanyang sarili. Nagtanong siya sa guardia kung saan ang opisina ng taong dapat niyang hanapin batay sa text. Itinuro naman nito at umakyat na siya sa palapag na iyon. Pagdating niya sa opisina, may mga naabutan siyang mga kapareho niyang aplikante. Pagdating ng a la una, tinawag na siya sa loob para sa kanyang interview.

Pagpasok niya sa loob, bumungad sa kanya ang isang lalaking nakaupo sa isang upuan na sa tingin niya ay nasa early 30s. May itsura at simpatikong tingnan. Naka long sleeve ito na mas lalong bumagay sa itsura nito. Mababanaag sa kanyang itsura ang taas ng kanyang posisyon.

“Hello, sir, good afternoon!” ang kinakabahang bati niya dito.

Itinuro ng lalaki ang upuan sa harapan nito at sinenyasan siyang umupo.

“I am John,” ang panimula nito at tumingin sa kanya.

Tumungo naman siya at pilit itinatago ang discomfort na nararamdaman. Unang pagkakataon niya itong sumabak sa interview.

Pinasadahan ni John ang kanyang resume pagdakay sinabi nitong, “Miss Persofina Makulangan, are you capable of being my secretary?”

“Yes, sir, I am,” sagot niya napapalunok at tila nauubusan siya ng laway sa bibig.

“But you are not a graduate of any course,” sambit ni John.

“That is indeed, true, sir. But, please, dont judge me just by not beeing able to finish college. I have my own reasons for not pursuing my education. However, being like this, does not make me less compared with others when it comes to work. I have the skills, and I am capable of whatever work, sir. I aswell can easily learn, and I could prove it to you, sir, if you will give me a chance to be your secretary,” ang mahaba niyang paliwanag matapos makaadjust ng ilang segundo.

“I like your frankness,” sabi ni John na napapangiti sa sinabi ni Persofina. “Then tell me more about your self.”

Tumagal pa ng ilang minuto ang interview at mas lalong napuno ng kompiyansa si Persofina. Sa katapusan ng interview tinanggap siya ni John. “Congratulations, welcome to the company. You are now my secretary. You can begin tomorrow,” ang sabi nito.

Napuno ng kagalakan ang puso ni Persofine. “Thank you, sir! Thank you, sir!” ang paulit ulit niyang sambit. Nagpaalam na siyang aalis at tumango naman si John. Pagkalabas ni Persofina sa opisina ay may tinawagang tao si John, “Bro, accomplished!” sabi niya rito at pinatay ang telepono makaraan pa ang iilang minuto.

Chapter 2: Click here

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s